Isalin
Sabado, Hunyo 16, 2012
Likha at Sulat: ISANG PAGSUSURINGPANG-WIKA SA MGA ANTIGONG NGALANG...
Likha at Sulat: ISANG PAGSUSURINGPANG-WIKA SA MGA ANTIGONG NGALANG...: ISANG PAGSUSURING PANG-WIKA SA MGA ANTIGONG NGALANG-POOK SA LALAWIGAN NG CAVITE Unang Bahagi Ni Jonathan S. Jimenez Teacher II, Imus...
ISANG PAGSUSURING
PANG-WIKA SA MGA ANTIGONG NGALANG-POOK SA LALAWIGAN NG CAVITE
Unang Bahagi
Ni Jonathan S. Jimenez
Teacher II, Imus National High School – Alapan Annex
Adviser, Young Historians Club of Alapan
SY 2011-12
PANIMULA
Ang
pagsusuring ito ay isang bagong pagtanaw sa kahulugan ng kasaysayang pang-pook
(local history) at kasaysayang-bayan (national history). Nais linawin ng
may-akda na hindi ipinapawalang-bisa o itinatakwil ng makabagong
pagpapakahulugang ito ang mga naisulat ng tala tungkol sa mga lugar at pook na
matatalakay sa papel na ito. Sa makatuwid, ang pagsusuring ito ay nilangkapan
ng pagkaunawang-wika (language understanding) at paghahalungkat sa mga tala at
batis (sources) na nasulat na noong dakong una. Mahalaga ang pagkaunawang-wika
sa pagbibigay ng kahulugan sa mga bagay-bagay lalo pa nga at ito ay may malaking kaugnayan sa
pagkakakilanlang-tao (personal identity) at pagkakakilanlang-bayan (national
identity) sapagkat dito nasasalamin ang totoong lalim ng pagkaunawa natin sa
ating sariling pinagmulan na siyang pundasyon ng malalim na pagkaibig sa
katarungan, pagkakapantay-pantay at kalayaan. Subalit hindi rin dapat na
isa-isang tabi ang pagkakakilanlang-pook (local identity) sapagkat inuugit nito
ang mga saligang-bato ng pakikisangkot upang mabuo ang isang bayan at sa
kalaunan ay mabuklod ang isang bansa.
Maraming
mga pagkakataon na ang mga nasulat na ng nakalipas ay ipinagpapalagay na lamang
natin bilang tumpak at siyang tama lalo pa nga at salat tayo sa mga kaalaman at
batis na magpapatunay sa ating mga pagbubunyag. Ngunit sa bagong paraan ng
pagkatuto na itinataguyod ng Kagawaran ng Edukasyon sa pamamagitan ng Secondary
Education Curriculum of 2010, mahalaga ang pagtuklas ng bagong kahulugan mula
sa mga dati ng kahulugan upang makabuo ng isang bagong pangmalas na makaapekto
sa pananaw ng bagong panahon. Ang mga nasulat na ay nasulat na at ito’y
nananatiling matibay na moog ng kaalaman sa kasalukuyan malibang may mga bagong
pagtanaw at pagpapakahulugan sa mga bagay na ito. Maari rin namang ang mga
nasulat na ay bigyang ng bagong kahulugan upang higit itong maunawaan ng bagong
henerasyon na lubhang malayo na sa panahong antigo upang balikan at muling
suriin ang mga kaganapan ng nakalipas.
Hindi
madaling gumawa ng isang pagsusuring pangwika sa isang pook na malaon ng
nakabayubay sa dati nitong alam. Subalit sa pamamagitan ng papel na ito ay
sisikapin ng may-akda na paghambingin ang lumang pananaw at ang bagong
pagpapakahulugan sa mga ngalang-pook ng Cavite (placenames) batay sa mga batis
na nasulat na nang panahong lumipas. Bagamat ang pagtatangkang ito ay isang
pangahas na simulain, umaasa ang mananaliksik na mananaig ang bukas na isipan
at malayang pag-unawa ng mga mambabasa.
Ginamit
ang antigo bilang pamalit sa salitang
sinauna upang higit na mabigyang-diin
ang paksa ang pananaliksik na ito. Maraming mga lugar sa lalawigan ng Cavite
ang masasabing nagtataglay ng antigong pangalan na binigyan lamang ng
makabagong kahulugan sa nakalipas na isandaang taon. Mahalagang maunawaan ng
mga mambabasa lalo na ng mga bagong-sibol ang sinaunang kahulugan ng mga
ngalang-pook nang sa gayon ay hindi sila maging mangmang sa kasaysayan ng
kanilang pook. Sa makatuwid, maitataguyod nito ang pakikisangkot at pakikilamas
sa pambansang pagkakakilanlan. Kung hindi ito maisasagawa sa kasalukuyang
panahon, ang mga bagong namumukadkad na mga palaisip, palaaral at pantas ay hindi
makararating sa tugatog ng pagkabansa at sa halip ay malulunod sa rurok ng
pandaigdigang asimilasyon at pagkamatay ng mga pagkakakilanlang-bayan na
taliwas sa simulain ng maraming relihiyon sa daigdig. Hindi dapat
ipagsawalang-bahala ang ganitong usapin sapagkat magdudulot ito ng ibayong
kaapihan sa mga maliliit habang ang mga makapangyarihan ay lalong nagiging
malakas. Dapat ring tandaan na ang lahing-tao (human race) ay nakasalig sa
kanyang pagkakakilanlang-bayan habang ang kanyang pagkakakilanlang-bayan ay
hinuhugot naman sa kanyang pagkakakilanlang-tao. Kung marupok ang pundasyong
ito ng kanyang pagiging tao, siya’y nagiging tila-langay-langayan na
nagpapatangay sa bugso ng hangin sa panahon ng pagdadag-im at hinahayaan ang
sariling katawan na mabasa ng ulan ng pagkaduhagi. Hindi nito sinasagisag ang
lakas ng isang matalinong agila na handang pumailanlang sa papawirin upang
ipahayag ang kanyang kapangyarihan.
Nasyonalismo vs.
Rehiyonalismo
Maaring
ipagpalagay ng ilan na ang papel na ito ay isang pagkiling sa kaisipang
rehiyonalismo sa halip na bigyang-puwang ang mga adhikain ng nasyonalismo.
Mapanganib ang rehiyonalismo sa pambansang pagkakabuklod sapagkat sinasagkaan
nito ang pagkakakilanlang-bayan. Subalit hindi gayon ang dapat na isipin sa
papel na ito. Maaring ipagpalagay na ang mga ngalang-banggit (mentioned names)
ay bahagi ng lokal na kaalaman at mainam na kadluaan ng pambansang karunungan. Ang
rehiyonalismo ay dapat na maging anak ng nasyonalismo na siyang uugit sa
karunungang-bayan (national wisdom). Mahina ito sa bansang may matayog na
pagtingin sa rehiyonalismo at mababang pagpapahalaga sa kanilang nasyonalismo.
Ang karunungang-bayan ay isang pambansang corpus ng mga kaalaman na walang
alinlangang naibabahagi ng isang tao sa harapan ng iba pang mga lahi at bansa.
Malakas ang karunungang-bayan sa mga bansang Kanluranin sapagkat nakasalig ito
sa kanilang mahaba at masalimoot na kasaysayang-bayan. Sa ating bansa, ang
karunungang-bayan ay nasa estado pa lamang ng paglilimlim at maaring sabihing
nanganganib pang maging bugok bunsod ng mababang pagpapahalaga sa
pagkakakilanlang-bayan.
Ngunit
ano ba ang ibig sabihin ng nasyonalismo at rehiyonalismo? Ayon sa www.wikipedia.com, ang rehiyonalismo ay
isang kaisipang pulitikal na nakatutok sa interest ng isang rehiyon at managing
ipagpalagay na ang isang rehiyon, anuman ang katayuan nito ay magkaroon ng
malawak impluho sa iba pa at ng malawak ring kapangyarihang pulitkal.
Naniniwala ang marami na sa pamamagitan ng rehiyonalismo ay mabibigyang puwang
ang desentralisasyon, makatipid sa guguling mula sa buwis ng mga mamamayan,
maisulong ang tamang paggamit ng mga pinagkukunang-yaman ng rehiyon para sa
higit na kapakinabangan ng mga tagaroon at mapalawig ang mabisang
pagsasakatuparan ng mga lokal na balakin o plano. Marami sa mga rehiyonalista
ang pumapabor sa kompederasiya at pederasyon sa halip na pang-isahang estado
(unitary state). Inaayawan din nila ang unibersalismo bilang isang kaisipang
pambansa.
Ayon
kay Anthony D. Smith (1993), ang nasyonalismo ay isang ideyolohiyang pulitikal
na maaring magpakilala sa isang pangkat ng tao na may pagkakakilanlang
pulitikal na ipinapahayag ayon sa mga batayang pambansa gaya ng bansa. Ayon pa
sa kanya, ang nasyonalismo ang siyang gumagawa ng pambansang-pagkakakilanlan.
Samantala, iba naman ang palagay dito ni Will Kymlicka (1995) na nagsabing ang
nasyonalismo ay pagpapalagay na higit na mahalaga ang estado o kaya naman ay
pagpapalagay na ang isang estado ay higit na makapangyarihan kaysa iba pang mga
estado. Tinitingnan niya ito sa ibang palagay na ang nasyonalismo ay isang
kilusang naglalayong pangalagaan ang sinilangang-lupa (homeland) ayon kina
Thomas Blank at Peter Schmid (2003) o kaya naman ay maaring magbunsod sa isang
kaisipang maaring hindi umiiral ang isang estado at hindi katawanin ng wika,
relihiyon o lahi na may balangkas ng lipunan na kumakatawan sa isang bansa ayon
kay Benedict Anderson (1991) sa kanyang “imahinasyong pamayanan”.
Anuman
ang ating pagtingin sa nasyonalismo, mahalagang maunawaan natin ito bilang
isang inimbentong tradisyon ayon kay H. G. Habsbowm na maaring mapanggatong (reactionary) upang hikayatin ang isang
pangkat na balikan ang nakalipas na maaring pagpapalayas ng mga dayuhan sa
isang teritoryo o kaya naman ay mapanghimagsik (revolutionary) na ang layunin ay magtatag ng isang malayang estado
bilang panahanan o sinilangang-lupa ng isang maliit na pangkat gaya ng
karanasan ng Filipinas mula sa Espanya at mga Amerikano gayundin ng Finland
mula sa Sweden. Ang nasyonalismo ay
nagpapahayag ng sama-samang pagkakakilanlang-bayan (collective identities) ayon
kina John Hutchinson at Anthony D. Smith (1994).
Ang
mga paglilinaw sa itaas ay upang mabigyang-linaw ang kaibhan at ang panganib na
dulot ng malabis na pagkiling sa rehiyonalismo o kaya naman ay nasyonalismo ng
walang matatag na pundasyong-bayan (national foundations). Mahalaga ito sa
pagsusuring ito sapagkat itatawid nito buhat sa madilim na pang-unawa ang
bagong pang-unawa tungo sa kaliwanagan.
Demonym at Toponymy
Ang demonym ay tumutukoy sa mga taong
naninirahan sa isang lugar. Ang mga taga-Cavite ay tinatawag na Caviteno
samantalang ang mga naninirahan sa Imus ay mga Imuseno. Ang salitang ito ay
galing sa dalawang salitang Griego, demos – naninirahan, at –onym – ngalan o
tag-uri. Ang unang naitalang paggamit nito ay noong 1997 na ikinakapit ng
National Geographic Magazine sa editor na si Paul Dickson sa kanyang aklat na
Labels for Locals na sinasabing hiniram niya kay George H. Scheetz sa kanyang
aklat na What do you Call a Person from …? A Dictionary of Resident Names na
una namang lumitaw sa aklat rin niyang may pamagat na Names’ Names: A Descriptive
and Prescriptive Onymicon. Maaring ito ay ibinatay din sa salitang demonymic ng
Oxford English Dictionary na katawagan sa mga mamamayang Athenian ayon sa deme
na kanyang kinabibilangan at unang ginamit noong 1893. Ang deme o demos ay
tumutukoy sa isang subdibisyon ng Attica, ang rehiyong pumapalibot sa Athens sa
panahon ng sinaunang Gresya.
Ang toponymy naman ay ang pag-aaral ng
pinagmulan ng pangalan ng isang lugar, kahulugan, gamit at pagpapangkat. Galing
ito sa salitang Greigo na topos, lugar
at onoma, ngalan. Kaiba sa etymology,
ang isang toponymist ay nagsasagawa ng isang maagham na pag-aaral ng pinagmulan
ng isang lugar o ngalang-pook. Bilang isang pag-aaral, ito ay sangay ng onomastics,
ang pag-aaral ng angkop na katawagagan at pinagmulan ng lahat ng bagay.
Tinatawag din itong toponomastics. Ayon sa Oxford English Dictionary, ito ay
unang lumitaw sa English noong 1876. Ang
tawag sa isang taong nag-aaral tungkol sa pinagmulan ng mga ngalang-pook ay
isang toponymist.
Ang pag-aaral naman tungkol sa mga personal
na pangalan ng tao ay anthroponymy o anthroponomastics.
Ang
Pagpapangalan ng Isang Lugar ng mga Pilipino
Bahagi
ng kulturang Pilipino ang pagbibigay ng pangalan sa isang lugar gaya ng iba
pang mga bansa sa daigdig. Bagamat maraming mga samutsaring kwento tungkol sa
pagpapangalan ng mga lugar sa bansa, mahalgang suriin ang mga pangalang ito
ukol sa kakanyahang pangwika.
Kung
papansinin pa, ang mga sinaunang Pilipino ay nagpapangalan ng isang lugar
alinman sa mga sumusunod:
- hugis ng lugar
(Imus, Kawit)
- pangyayari sa
lugar (Tanza, Pinaglabanan)
- lugar na
kinaroroonan o pinanggagalingan (paggamit ng Ibaba at Ilaya)
- katangiang
pisikal (Tagaytay)
- paglalarawan at
pag-uuri sa isang lugar (Maragondon, Silang)
- mga bagay na
matatagpuan sa kapaligiran (hayop, halaman at mga ibon) gaya ng Indang,
Pasong Santol, Mabolo, Talaba, Mambog, atbp.
Sa
mga lugar na matagal na nasakop ng mga Espanyol at mga Amerikano, kalimitang
ang pangalan ay tunog at baybay banyaga na subalit maikakabit pa rin sa
kulturang mayroon sa pamayanan.
MGA PILING
NGALANG-POOK SA LALAWIGAN NG CAVITE
ALAPAN
Nang
masakop ng mga Kastila ang Maynila, ginalugad din nila ang mga kanugnog na mga
lugar kasama na ang Cavite. Ang Cavite ay nanggaling sa salitang ‘kawit’ dahil
sa anyo nitong pakurba na tila isang kawit, isang uri ng kagamitan sa pagsasaka
na ginagamit sa paglilinis ng bukid (isang piraso ng kahoy na sadyang pinutol
sa isang bahaging may sangang nakakawit), pagkuha ng bunga ng niyog (isang
nakakalawit na piraso ng bakal na nakatali sa dulo ng isang mahabang kawayan),
at marami pang paglalarawan at kagamitan. Ang Cavite la Punta (Cavite City) ang
nagsisilbing daungan ng mga kasko at baroto na naghahatid ng mga kalakal ng mga
katutubong Tagal na naninirahan sa Cavite. Sa Cavite el Viejo naman matatagpuan
ang isang pamayanan ng mga Tagal kung saan ang lupain ng Imus ay isang nayon
lamang nito noong mga huling yugto ng 1500 hanggang sa pagpasok ng 1600 kung
saan unti-unting lumago ang Imus bilang isang bagong panahanan.
Buhat
sa Cavite el Viejo, ang mga Kastila ay dadaan sa bahagi ng Gahak na isang
latian o swamp. Mahirap ang daloy ng transportasyon sa lupa kapag sa Gahak
daraan dahil sa mga latiang ito kung kaya’t ipinasya ng pamahalaang Kastila na
tambakan ng lupa ang mga latian upang mapadali ang pagtungo sa kaloob-looban ng
Cavite. Ang lugar ay nakilala bilang Tinabunan (ngayon ay kilala sa tawag na
Pag-asa) sapagkat ang lugar ay dating latian na tinambakan upang maging tuyong
lupa. Ang pagkakatambak na ito ang naging dahilan kung bakit unti-unting lumago
ang pamayanan doon.
Pagkatapos
ng Tinabunan, ang lugar ng Alapan ang unang pamayanang sasapitin galing sa
Cavite el Viejo. Ang lugar ay hindi pa kilala sa gayong pangalan noong panahong
iyon. Ayon sa mga kwento-kwento, ang
Alapan ay nangangahulugang ‘hanapan ng kasangkapan’ sa pagbubukid. May mga
nagsasabi ring ito ay galing sa salitang ‘kalapan’ o hanapan ng materyales
sapagkat ang lugar ay dating malawak na gubat.
Si
G. Aurelio P. Bautista, isang makatang taga-Imus ay may dalawang pakahulugan
dito. Una, ang Alapan ay maari umanong galing sa matandang salitang Tagalog na
‘alap’ na ibig sabihin ay lugar na payapa at tahimik at ang salitang ‘alapan’
ay halos kahawig rin ng salitang ‘katahimikan’. Alalaong-baga, ang Alapan ay
salitang ‘alap’ na nilapian upang maging isang bagong salita. Ikalawa,
naniniwala siya na dahil sa Tinabunan, ang unang pamayanang mabubungaran ay
tinatawag na ‘harapan’. Sa matandang wika ng mga Tagal, walang letrang ‘r’ kung
kaya ang ‘r’ ay pinapalitan ng ‘l’ o kaya naman ay ‘d’. Sa makatuwid, ang
salitang ‘harapan’ ay maaring bigkasin bilang ‘halapan’. Ngunit bakit naging
Alapan? Ayon sa paliwanag ni G. Bautista, ang ‘h’ sa unahan ng salita ay hindi
binabasa sa wikang Espanyol gaya ng ‘hijo’, ‘hija’ at ‘hablar’. Kung kaya, ang
‘harapan’ ay magiging ‘alapan’ kapag binigkas ng isang Kastila.
Upang
matiyak ang paniniwalang ito, mahalagang magkaroon ng mga batis na magpapatunay
sa angking pakahulugan ni G. Bautista. Kailangang ang salitang ‘alap’ ay
matagpuan sa mga sinaunang dokumentong Tagalog. Sa Vocabulario dela Lengua
Tagala na isinulat nina Pedro San Lucar at Juan Jose de Noceda noong 1860, may
dalawang salitang-pasok na ALAP. Ganito ang eksaktong pagkakasulat ng mga
salita:
Batay sa mga salitang pasok, ang salitang
‘alap’ ay tumutukoy sa isang malawak na pastulan o damuhan kung kaya ang
salitang Alapan ay tumutukoy sa isang madamong lugar. Ang ikalawang kahulugan
ng alap ay ‘lakad’ o ‘pakay’. Maari rin itong maging kahulugan ng bukana o
bungad na daanan. Sa makatuwid, maaring tanggapin ang paliwanag ni G. Aurelio
tungkol sa pinagmulan ng salitang Alapan sapagkat sinusuhayan ito ng dalawang
salitang Tagalog na may parehong kahulugan.
Sa Vocabulario
dela Lengua Tagala ni Padre Pedro de San Buenaventura na nalimbag sa Pila,
Laguna noong 1613, lumitaw ng tatlong beses ang salitang ALAP (pahina 531, 533,
at 599). Ganito ang mga salitang pasok para sa ALAP.
Vez :
Alap pc : T. quele viene a uno, nagaalapan. R. andar aveçes, naaalap .8.
venille la vez, imp : umalap ca, acude a tu vez, magalapang camo, andad aveçes,
alap co, es mi vez. (Oras: Alap pc: T. pagdating sa isang quele, nagaalapan. R.
minsan lumakad, naaalap .8.venille oras, malikot na bata: umalap ca, pumunta sa
iyong oras, magalapang camo, minsan maglakad, kapwa ang alap ay ang aking time.)
Reuenirse : Alap pp : el algodon en açeyte,
naaalapan .8. P. en cojerse o reuenirse, ynaalapan nang lana, reuinose con el
açeyte, naaalapan ang sinolir, esta reuenido el algodon. (Reuenirse: Alap pp:
koton sa açeyte, naaalapan .8. P. sa cojerse o reuenirse, ng Nang ynaalapan
lana reuinose sa langis, ang naaalapan sinolir reuenido koton na ito.)
Rogar : Alap pp : el yerua para cubtirlas
casas, vngmaalap .1.ac. l. ynaalap .1.P. imp : vmalap camo nang cogong
ybobobong, rocad ye rua para cubrir.Vi.Abm.
Anabu
Nasusulat: Noong dakong una umano, isang binatang Tsino
ang nagkagusto sa isang magandang dalagang tagaroon sa lugar na iyon. Ngunit
hindi siya ang itinitibok ng dalaga kung kaya’t siya’y nagtanan kasama ang
lalaking tunay niyang iniibig. Dahil sa pagkasiphayo, tila nasiraan ng bait ang
binatang Tsino at patakbo-takbo sa buong nayon na isinisigaw ang ‘Ana bu! Ana
bu!’ na ang ibig sabihin umano ay ‘wala na si Ana’. Dito umano isinunod ang
pangalan ng nasabing lugar.
Pagsusuring Pangwika: Batay sa mga
nasusulat na tala, ang salitang anabu o anabo ay pangalan ng isang uri ng
punongkahoy na kinukuhanan ng hibla upang gawing panali. Ang balat nito ay
hawig ng balat ng aratiles. Sa Mulanay, tinatawag din itong danli at labayo na
may dalawang uri – anabong pula at anabong puti. Ang anabong pula ay hawig ng
balat ng aratiles. Ang salitang anabo ay natagpuan na at palasak na ginagamit ng mga taga-Cavite noon pa mang 1800 at kilala ang halamang ito bilang kuhanan ng gamot at hibla para sa tali.
Malagasang
Nasusulat: Kilala ang mga taga-Malagasang bilang mga
matatapang na mga Imuseno. Dahil dito, kilala ang lugar nila bilang di-malagasan dahil walang namamatay na
mga tagaroon kapag nagkakaroon sila ng mga kaalitan.
Pagsusuring Pangwika: Mahalagang tingnan
ang salita sa kahulugan nito. Dalawa ang maaring pagkunan ng kahulugan nito.
Ang una ay dalawang salitang Tagalog – unlaping mala- o hawig at gasang –
isang uri ng bato na nalikha mula sa mga bula ng alon sa dagat; tinatawag ding bulaklak ng bato o korales. Ang ikalawa naman ay salitang Tagalog rin na tumutukoy sa
katangian ng lupa. Ang malagasang na
lupa ay ang lupang buhaghag na angkop para sa pagsasaka at pagtatanim ng mga
halaman. Sagana ang lupang ito sa mga kinakailangang sangkap ng halaman upang
lumago. Karaniwang matatagpuan ang buhaghag na lupang ito sa mga balisbis ng
bundok at sa mga pangpang ng ilog. Kung susuriing mabuti, ang Malagasang ay
malapit sa dalawang ilog – ang Ilog ng Julian at ang Ilog ng Alang-Ilang.
Mapapansin na ang malaking bahagi ng barangay ay sakahan at may buhaghag na
lupa. Ang malaking bahagi ng populasyon ng Malagasang ay mga Tagalog din simula
pa noong unang-una at maaaring sila ang nagbigay ng pangalang ito bagamat
kailangan pa ang masusing pag-aaral dito.
Mahalaga ring suriin ang pahayag ni Aurelio P. Baustia tungkol sa pinagmulan ng salitang Malagasang. Ayon sa kanya, maiuugnay ang pangalang Malagasang sa anyo ng daan na bumabagtas sa lupain ng nayong ito - malawak sa simula papakipot sa dulo - gaya rin ng Bucandala na kawangis ng nakabukang dala - isang panghuli ng isda sa ilog. Sa sinaunang Tagalog, ang sibat ay tinatawag na gasang na kahawig din ng salitang gayang sa Ilokano na gayundin ang kahulugan. Sa makatuwid, ang Malagasang ay galing sa salitang gasang na nilapian ng mala- na ang ibig sabihin ay kahawig, kawangis o animo kaya ang Malagasang ay nangangahulugang landas na kawangis ng gasang o sibat.
Sa sinaunang panahon, ang pagpapangalan ng lugar ay batay sa anyo ng lugar, mga katangiang pisikal, mga hayop at halamang matatagpuan doon, mga kakaibang pangyayari o di kaya'y mga hindi makakakalimutang tagpo. Bagamat hindi malilimutan ang katapangan ng mga taga-Malagasang, sa pagsusuring pangwika ay mahirap na sabihing sa paglaon ng panahon ay tinanggal ang di sa di-malagasan sapagkat hindi iyon likas sa sinaunang pagpapangalan ng mga lugar.
Toclong
Nasusulat: Ang pangalan ng barangay ay nagsimula umano
sa tunog ng kampana na To Clong! At sa kalaunan ay siyang itinawag sa nasabing
lugar.
Pagsusuring Pangwika: Sa ilang bahagi ng
CALABARZON particular sa Quezon, ang toklong ay tumutukoy sa isang liwasan
malapit sa harap ng simbahan o kapilya. Tinatawag ding toklong ang lugar kung
saan isinasagawa ang mga mahahalagang pagtitipon ng kumunidad. Maaring isipin
na ang narinig na tunog ng kampana ay hindi ang tiyak na pinanggalingan ng
pangalan ng barangay kundi sa halip ay ang kinaroroonan nito na malapit sa
bagong tayong simbahan ng Imus. Kung susuriin ang layo ng mga lugar sa Cavite
na may pangalang Toclong, mapapansin na ito ay malapit sa isang bahay-sambahan
o kapilya o di kaya naman ay isang lugar kung saan umusbong ang pamayanan at
mga karatig nito. Ayon kay Aurelio P. Bautista, isang makatang taga-Imus, sa kanyang pamamalagi sa Visayas ng matagal na panahon ay nabatid niyang ang tinatawag na toklong ng mga tao ay isang maliit na simbahan o kapilya.
Likha at Sulat: Kulturalna Talatinigang CaballeroAntalapang. – i...
Likha at Sulat: Kulturalna Talatinigang Caballero
Antalapang. – i...: Kultural na Talatinigang Caballero Antala pang. – isang uri ng kakaning gawa sa bigas na malagkit na iniluto sa gata ng niyog na nil...
Antalapang. – i...: Kultural na Talatinigang Caballero Antala pang. – isang uri ng kakaning gawa sa bigas na malagkit na iniluto sa gata ng niyog na nil...
Kultural
na Talatinigang Caballero
Antala
pang. – isang uri ng kakaning gawa sa
bigas na malagkit na iniluto sa gata ng niyog na nilagyan ng asin at asukal
bilang pampalasa
Binugkong
pang. – isang uri ng kakaning gawa sa
bigas na malagkit na iniluto sa gata ng niyog. Ang kaibhan nito sa suman ay
sapagkat ang bigas at gata ng niyog ay magkasamang inilagay sa nakabungkos na
pinagpatong-patong na dahon ng saging at saka pinakuluan sa apoy hanggang sa ito’y
maluto. Popular ang kakaning ito sa mga Bikolano.
Kukumo
pang – isang uri ng alimango na may
matutulis na biluhabang balugbog. (Nasugbu,
Batangas)
Kulukoy
pang – isang uri ng alimango na
kalimitang payat at mahahaba ang galamay na nagkukulay-kape hanggang sa
mamula-mula. Madalas matagpuan ang mga kulukoy na nagbubutas sa buhanginan sa
aplaya. (Nasugbu, Batangas)
Hagibis
– matuling tumakbo. Hal. Hagibis na ang
kabayo; daig pa ang ipo-ipo.
Lampa
pang – isang uri ng ilawang de-gaas
na ginagamit na tanglaw sa gabi o panahon ng padasal, pangngingilaw at iba pang
mga pagkakataon na kailangan ng mas maraming liwanag. (Imus, Cavite) kolman o pang-ilaw (Mulanay, Quezon at mga karatigan)
Lingkaw
pang – isang uri ng kagamitan sa
pag-aani na kawangis ng gapas o karet na karaniwang ginagamit ng mga
kalalakihan kapag panahon ng tag-ani. (Imus,
Cavite)
Mandala
pang – bunton ng mga dayami sa gitna
ng bukid na hugis burol.(Imus, Cavite)
Nagbibisalog
pd – naglalaro ng tubi na maaring
nasa timba, palanggana o anumang lalagyan at pinanggagalingan.Hal. Bihisan mo na si Pepe dahil
nagbibisalog na lang sa banyo.(Imus, Cavite); naglalandi ng tubig (Mulanay,
Quezon at mga karatigan)
Natipuan
pd – 1 nabungian, normal na
pagkabunot o pagkalagas ng ngipin. Hal.
Natipuan si Ana matapos siyang kumain ng saging kaninang umaga. 2 natipuhan,
nagustuhan, naibigan. 3 isang nayon sa bayan ng Nasugbu, Batangas na
nakaharap sa Kanlurang Karagatan ng Pilipinas.
Panggasi
pang – isang uri ng inuming gawa sa
nilagang luya na nilagyan ng asukal (maaring moscovado o asukal na pula);
salabat. (Imus, Cavite)
Pakawil
pang – isang pamamaraan ng panghuhuli
ng banagan, isda at iba pang lamang-dagat. (Nasugbu,
Batangas)
Pitos
pang – isang uri ng banagan o ulang
na higit na maliit at maikli kumpara sa ibang mga kapamilya nito.(Nasugbu, Batangas)
Pideyus
pang. – isang uri ng lutuin sa
Alapan, Imus, Cavite na ang lahok ay sotanghon, hinimay na karne ng manok,
bawang, luya, at atswete na kalimitang inihahanda tuwing bagong taon at kung
may lamay para sa patay.
Salmonera
pang – ang tawag ng mga taga-Imus sa mother
liquor ng kesong puti na binubuo ng
tubig, suka at kaunting asin kung saan iniluluto ang kasilyo.
Salog
pang – isang mababang lugar na
tinitiningan ng tubig (Imus, Cavite); san-og (Mulanay, Quezon)
Sambakol
pu - nakasimangot ang mukha; hindi
maipinta.
Sandamakmak
– isang langkay, buo, bunton o pangkat. Hal.
Sandamakmak ang nakatambak na basura sa gilid ng kalsada.
Sandamukal
– masidhing paglalarawan sa isang bagay na may kaugnayan sa dami o bilang;
napakarami, sobra-sobra, napaka-. Hal.
Sandamukal ang kalat sa loob ng silid nang dumating ang may-ari ng bahay. 2 paglalarawan
sa mukha ng isang tao. Hal. Sandamukal na
naman ang mukha ng ale nang lumabas sa kanilang bahay.
Subo
– 1 [suBO]
pagtikim ng pagkain gamit ang kamay, kutsara o anumang kagamitan sa
pagkain. Hal. Subo muna kayo kahit kaunti
lamang. 2 [suboH] singaw o
pagpapasingaw sa pamamagitan ng pagpapakulo ng tubig sa isang kawa, kawali,
kaldero o anumang maaring paglagayan ng tubig at isalang sa apoy. Hal. Subo na ang tubig sa kaldero, ihulog mo
na ang mga gulay.3 [suBO] napapasok sa isang usapan o kasunduan na mahirap
tanggihan o ipagpaliban; pagkadamay sa isang usapin o kasunduan. Hal. Subo na naman tayo sa nangyaring
kapalpakan nilang dalawa.
Tikangkang
pd - nabuwal, napatihaya. Hal. Ako’y awang-awa sa buntis na
napatikangkang sa gilid ng kalsada; tikangkang ang tawag pag nabuwal ng
patihaya.
Ulang
pang – banagan. (Eng. Lobster)
Yatab
pang – isang uri ng kagamitang
ginagamit sa pag-aani ng mga uhay ng palay na karaniwang yari sa isang piraso
ng kahoy na 4 hanggang 5 pulgada ang haba at kapirasong matalim na metal na
iniayon sa hugis ng krus; kagamitan sa pag-gapas ng palay na karaniwang ginagamit
ng mga kababaihang umaani ng palay. (Imus,
Cavite)
Perok-perok
pang isang lampara de gaas na gawa sa
bote at nilagyan ng mitsa. Bunsol ang tawag dito sa Mulanay at mga
karatig-lugar nito.
Lampa
pang isang malaking lampara o ilawang de gaas na
may mitsa o gasa. Kolman o hasag.
Mohon
pang pananda; isang batong
nagsisilbing pananda sa hangganan ng isang lupa. Nagsisilbing pananda sa
lendero ng lupa.
Kabihog
pang nangangahulugang kaibigan sa mga
pangkat ng Agta na nasa mga bulubunduking bahagi ng Bondoc Peninsula particular
na sa bahagi ng Catanauan at Mulanay sa Quezon.
Katabaga
pang wika ng mga Katabagan na
matatagpuan sa Bondoc Peninsula; isa sa mga nanganganib na wika ng Pililipinas.
Kampit
– 1. Tawag sa pang-ani ng palay na hugis krus; isang matalim na bakal na
ikinabit ng pabalagbag sa isang kasagarang laki ng bilog na kahoy upang
makalikha ng kagamitang pang-ani ng palay. 2. Isang maliit na kutsilyo.
Tangal
pang isang uri ng bakawan na ginagamit na pangkulay
sa tuba. Ang matutuwid na tangal ay ginagamit na bakod o di kaya ay kagamitan
sa pang-itaas o bubong ng bahay-kubo na siyang pinagkakabitan ng balakilan o
pamakuan.
Dual
– 1. hugpong, tagpuan, dugtungan 2. Suka; sapilitang paglalabas ng kinain sa
pamamagitan ng bibig.
Dukal
– pagbungkal ng matigas na lupa gamit ang isang metal na panghukay; mababaw na
paghuhukay na hindi lalagpas ng limang pulgada.
Bungkal
– 1. Nahukay (ang mga pananim) mula sa kinalalagyan nito. Hal. Bungkal ang mga tanim niyang gabi kaya galit na galit kanina.
2. Paghuhukay ng buhaghag na lupa o paghuhukay upang maging buhaghag ang lupa. Hal. Bungkalin mo ang paligid ng halaman
para lumaki agad; bayubo; pagbabayubo. 3. Pag-aararo ng lupang sakahan
upang mapagtamnan.
Hibon
– pagtatabon ng isinabog na palay o anumang binhi sa bukid upang hindi kainin
ng mga ibon ang nakasabog na butil.
Tibag
– 1. pag-aararo o pagbubungkal ng lupa sa isang bagong napiling sasakahin. Maga-tibag ako sa kabilang linang para sa
sunod na taniman. 2. Gumuhong bahagi ng bundok o mataas na bahagi ng lupa;
anumang gumuhong mula sa mataas na bahagi. Hal.
Tibag na ang pader ng bahay nila pagdating niya galing sa linang. 3. Pagbabaklas
ng sementadong dingding. Hal. Tibagin na
natin ang pader para makalabas ang naipong tubig sa looban.
Looban
– 1. isang lugar na kinaroroonan ng sentro ng panahanan.Hal. Sa looban ng BLISS nakaburol ang lola nya. 2. Isang compound. Hal. Nasa looban nila ang magnanakaw kaya
pihadong huli na siya.
Labasan
– 1. Isang lugar kung saan dumadaan ang lahat papasok at papalabas ng isang
pamayanan o panirahan. Hal. Ang bahay
nila ay nasa may labasan papuntang linang. 2. Daanan palabas. Dito ang labasan ng dumi galing sa mga
kabahayan sa ilaya. 3. Maglabas o magpakita. Hal. Huwag mong labasan ng balisong ang makakasalubong mo; baka
pagkatuwaan ka din nila. 4. Maglabas (ng likido). Hal. Hindi pa siya nilalabasan ng pawis.
Saknong
– 1. Hanay; isang imahinasyong linya na sinusundan ng mga mag-aani ng palay
gayundin sa mga naghihibon sa panahon ng pag-hahasik. 2. Isang talata ng tula
na karaniwang may apat na linya at may sukat na maaring wawaluhin;
lalabindalawahin at lalabin-animin.
Digla
– saknong na nakapaloob sa mga tudling; ang pagitan ng mga tudling ay maaring
dalawa hanggang limang dipa ang luwang.
Palangka
– isang uri ng kagamitan sa pagsakay sa kabayo.
Pakang
– siya o palangka; ginagamit sa kabayo o kalabaw na karaniwang pinagsasabitan
ng mga sako, bakid o tiklis.
Siya
– palangka o pakang sa kalabaw o kabayo.
Bakid
– isang uri ng sisidlang yari sa uway o kawayan; tiklis.
Bangkil
– isang uri ng tiklis.
Pamuntot
– sinturong inilalagay sa buntot ng kalabaw upang hindi mahulog ang nakasakay
kapag palusong ang daan.
Panleeg
– sinturong inilalagay sa leeg ng kalabaw upang hindi mahulog ang nakasakay sa
kalabaw kapag paahon ang daan.
Pantiyan
– isang sinturong yari sa tela at sako na karaniwang dalawang pulgada ang lapad
na isinusuot sa tiyan ng kalabaw upang manatiling balanse ang panapin sa balugbog
ng kalabaw na siya namang inuupuan ng sumasakay dito.
Panapin
– 1. Isang piraso ng sako na ginagamit na sapin sa balugbog ng kalabaw upang
masakayan ito. 2. Anumang manipis na materyal na inilalagay sa ilalim bago
patungan ng isa pang bagay.
Paud
– isang uri ng kagamitang yari sa kahoy na inilalagay sa batok ng kalabaw
karugtong ng panleeg para mahila ng hayop ang kanga, paragos o kaya naman ay
araro.
Arado
– araro; isang uri ng kagamitan para sa pagbubungkal ng lupang taniman.
Taniman
– 1. Tumutukoy sa panahon ng pagtatanim. 2. Lugar na pinagtataniman ng mga
halaman; bukid o linang. 3. Magtanim o pagtatanim ng halaman.
Buyanyanin
– butitihin, malaki ang tiyan, chubby; karaniwang ikinakapit sa baboy.
Hagimo
– kalapin ng mga daliri ng kamay gaya ng paggamas ng mga damo, paggapas ng
palay o pagpulot ng mga kalat.
Yapas
– isang paraan ng paglilinis ng mga damo sa bukid. yapasin. tabasin [ang damo].
Binsido
– kabahagi; tubo, kinita. Hal.
Naka-binsido naman ako ng dalawang daan sa pinagbentahan ng baboy.
Sulambi
– dugtong sa gilid ng bahay; extension
Sulyaw
– mangkok, sisidlan ng ulam.
Nuto
– tuyo na ang dahon; pagkatuyo ng dahon ng uraro, gabi, ube o kahit na anong
halaman.
Garote
– palo. Hal. Nagarote niya ang anak dahil
sa katigasan ng ulo.
Anya
– aniya; isang ekspresyon.
Kangga
– paragos na lubid ang ginagamit na gabay na panghila gaya ng araro.
Paragos
– isang uri ng sasakyan na ang gabay na panghila ay yari sa magsinghabang
kahoy.
Mura
– buko; ang batang bunga ng niyog na kinakain bilang panghimagas o panglunas sa
mga may suliranin sa pag-ihi.
Buko
– 1. Maliit na bunga (ng niyog o kahit na anong prutas) 2. Maliit o bubot na
bulaklak. 3. Mga siko o dugtungan nga kawayan; bukuhan maraming buko.
Korneyo
– isang uri ng hayop na kahawig ng usa; reindeer.
Pikot
– nalansi para sapilitang magpakasal sa isang babae.
Peluka
– huwad na buhok; wig.
Bagaku
– isang uri ng sisidlan na gawa sa hinabing dahon ng buli (o buri).
Igba
– isang uri ng seremonya o erehiya sa pagtatanim ng kamote, ube o anumang
lamang-ugat. Sa sermonyang ito, naniniwala ang mga taga-Mulanay at mga
karatig-pook na ang katangian ng isang bagay ay naililipat sa itatanim.
Halimbawa, upang maging marami ang laman ng kamote, ginagamit na pang-igba ang
mga tumpok-tumpok na suso sa dagat; upang hindi ito tangain o bukbukin,
ginagamit naman ang batong-buhay.
Sala
– 1. Mahilig umihi sa banig o nag-iihi kapag tulog. 2. Mali. 3. /Salah/ maling gawa, kasalanan.
Libat
– pagbalik ng bali o pilay
Sikmat
– biglang pagsakit sa bahagi ng dibdib; chest pain
Paleta
– 1. Isang piraso ng kahoy na nakakabit sa dulo ng araro na pinagkakabitan
naman ng lubid na siyang hinihila ng kalabaw. 2. Malalambot na kahoy na
ginagamit sa pagawaan bilang patungan ng mga kargamento para sa paglilipat nito
mula sa isang lugar o pagsasakay sa isang sasakyan.
Lote
– isang parsela ng lupa.
Arya
– sigehan, pasyahan
Buga
– 1. Isang uri ng malambot na bato na nalikha buhat sa tumigas na bula ng alon
sa dagat. 2. Ibuyo sa isang gawain. 3. /bugah/
pagngunguya ng bigas, luya o dahon ng sambong upang itapal sa nabalis o may
baklay. 4. May pwersang paglabas ng tubig mula sa bibig ng isang tao. Hal. Ibuga mo ang ininom mong tubig. 5.
Isang uri ng paputok na yari sa tubong PVC na nilalagyan ng denatured alcohol
na sinisindihan para pumutok.
Loob
– 1. Salakay, pandarambong, pagnanakaw. Hal.
Nilooban ng mga magnanakaw ang bahay nila kagabi. 2. Pagsalakay ng mga hayop sa taniman. 3. Loob
ng bahay. Hal. Nasa loob ng bahay ang mga
gamit niya. 4. Kalooban, niloloob; damdamin. Hal. Hindi ko pa nakukuha ang kanyang loob.
Luom
– kulob na amoy; masamang amoy dahil sa pagkakulob. Hal. Mabaho ang bag nay an; amoy luom.
Kulob
– walang hangin, walang butas para daanan ng hangin. Hal. Kulob na kulob ang kwarto niya kaya napakainit.
Kuom
– nakakimkim (ang palad). Hal. Kuom ang
mga palad ng lalaking nakahandusay sa daan.
Kuyom
– nakatiklop ang mga kamay; kuom.
Sutsot
– 1. Isang paraan ng pagtawag gamit ang bibig. Hal. Sutsutan mo siya para lumingon. 2. Sitsitan, tawagin sa
pamamagitan ng pagsitsit. 3. Manunulsol; mahilig mambuyo sa pamamagitan ng mga
mapanirang salita para sa isang taong nakikinig upang was akin ang dignidad ng
taong pinag-uusapan; sulsul.
Punggok
– maikli o bansot
Ulag
– libog; isang matinding pagnanasa sa laman o pakikipagtalik.
Ungol
– mahinang daing dahil sa sakit na nadarama; maari ring dahil sa sensasyong
nadarama
Angil
– pagkagalit (ng aso) dahil may nais na ikubli o ipagkaila.
Angas
– yabang; kayabangan; pagiging mahangin.
Angat
– 1. Mataas kaysa iba. 2. Namumukod-tangi sa iba. 3. Mahusay kaysa iba.
Ikaila
– ipagdamot, huwag ipamigay.
Baklay
– isang uri ng sakit sa balat na kung saan ay nagsusugat-sugat ang balat; buyo,
apog, bunga at ikmo ang ginagamit na pambuga rito.
Amihan
– hanging galing sa hilaga.
Amihanin
– simulang pag-ihip ng hangin mula sa hilaga.
Amihang-Tayabas
– hanging nagmumula sa gawing kanluran ng Mulanay.
Habagat
– hanging nagmumula sa timog; habagatanan
Salatan
– hanging habagat.
Subasko
– biglang paglakas ng hangin na may kasamang ulan galing sa dagat.
Ipo-ipo
– hanging umiikot na dumadaan sa lupa; mas mahina kaysa buhawi.
Buhawi
– malakas na hanging umiikot na nagmumula sa dagaat.
Silang
– hanging nagmumula sa silangan.
Weste
– hanging galing sa kanluran; amihang Tayabas
Kaibayo
– sa kabilang dagat.
Ibayo
– kabilang pampang ng ilog.
Katubigan
– malawak na anyong tubig; hydrosphere
Kalupaan
– bahaging lupa ng daigdig; lithosphere
Ulanin
- /uhlahnin/ maitim at mababang ulap
na nagbabadya ng sama ng panahon o malakas na ulan; cumulu-nimbus clouds
Alungahit
– maalinsangang panahon; malamlam ang panahon subalit mahapdi sa balat ang
sikat ng araw.
Mabanas
– maalinsangang panahon; mainit na pakiramdam.
Malilom
– maalapaap ang kalangitan;
Nagalilom
– may kaugnayan sa paggalaw ng mga ulap sa kalawakan; bahagyang pagtakip ng
ulap sa araw.
Ambon
– tikatik, paambon-ambon; bahagyang ulan
Ulang-tamad
– biglang buhos ng ulan at biglang tigil din na karaniwang tumatagal ng ilang
oras lamang.
Ulang
masipag – dahan-dahang pagbuhos ng ulan na karaniwang tumatagal ng halos
maghapon at magdamag.
Simaron
– mailap; mahirap mahuli.
Singod
– nguso ng baboy
Tagikaw
– isang hikaw na inilalagay sa ilong ng baboy upang hindi makapang-umbang o
makapagbungkal ng lupa.
malagaras
– malakas na pagnguya ng hayop
mala-gatas
– butil ng palay na hindi pa maaring anihin.
Bungkog
– alkansiyang yari sa bao ng niyog o biyas ng kawayan; anumang alkansya.
Bangad
– isang uri ng kahoy
Bangkod
– likod ng itak o kutsilyo
Kampit
– pang-ani ng palay.
Gata
- /gatah/ pang-ani ng palay, kampit. (Bikol)
Kikit
– 1. Pagtikim ng palay upang malaman kung tuyo na. 2. Pagkain ng daga sa mga
butil ng palay. 3. Pagkain ng paunti-unti na parang daga.
Karga
– 1. Hawak-hawak sa kamay at mga bisig (ang sanggol) 2. Dala-dala; mga
dala-dalahan 3. May lamang bala (ang baril) o kaya naman ay ang baterya. 4.
Nakakainom o lasing, 5. May sapi o enerhiyang hindi nakikita subalit
nararamdaman gaya ng espiritu.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)