Isalin

Sabado, Hunyo 16, 2012


ISANG PAGSUSURING PANG-WIKA SA MGA ANTIGONG NGALANG-POOK SA LALAWIGAN NG CAVITE
Unang Bahagi
Ni Jonathan S. Jimenez
Teacher II, Imus National High School – Alapan Annex
Adviser, Young Historians Club of Alapan
SY 2011-12

PANIMULA

Ang pagsusuring ito ay isang bagong pagtanaw sa kahulugan ng kasaysayang pang-pook (local history) at kasaysayang-bayan (national history). Nais linawin ng may-akda na hindi ipinapawalang-bisa o itinatakwil ng makabagong pagpapakahulugang ito ang mga naisulat ng tala tungkol sa mga lugar at pook na matatalakay sa papel na ito. Sa makatuwid, ang pagsusuring ito ay nilangkapan ng pagkaunawang-wika (language understanding) at paghahalungkat sa mga tala at batis (sources) na nasulat na noong dakong una. Mahalaga ang pagkaunawang-wika sa pagbibigay ng kahulugan sa mga bagay-bagay lalo pa nga  at ito ay may malaking kaugnayan sa pagkakakilanlang-tao (personal identity) at pagkakakilanlang-bayan (national identity) sapagkat dito nasasalamin ang totoong lalim ng pagkaunawa natin sa ating sariling pinagmulan na siyang pundasyon ng malalim na pagkaibig sa katarungan, pagkakapantay-pantay at kalayaan. Subalit hindi rin dapat na isa-isang tabi ang pagkakakilanlang-pook (local identity) sapagkat inuugit nito ang mga saligang-bato ng pakikisangkot upang mabuo ang isang bayan at sa kalaunan ay mabuklod ang isang bansa.

Maraming mga pagkakataon na ang mga nasulat na ng nakalipas ay ipinagpapalagay na lamang natin bilang tumpak at siyang tama lalo pa nga at salat tayo sa mga kaalaman at batis na magpapatunay sa ating mga pagbubunyag. Ngunit sa bagong paraan ng pagkatuto na itinataguyod ng Kagawaran ng Edukasyon sa pamamagitan ng Secondary Education Curriculum of 2010, mahalaga ang pagtuklas ng bagong kahulugan mula sa mga dati ng kahulugan upang makabuo ng isang bagong pangmalas na makaapekto sa pananaw ng bagong panahon. Ang mga nasulat na ay nasulat na at ito’y nananatiling matibay na moog ng kaalaman sa kasalukuyan malibang may mga bagong pagtanaw at pagpapakahulugan sa mga bagay na ito. Maari rin namang ang mga nasulat na ay bigyang ng bagong kahulugan upang higit itong maunawaan ng bagong henerasyon na lubhang malayo na sa panahong antigo upang balikan at muling suriin ang mga kaganapan ng nakalipas.

Hindi madaling gumawa ng isang pagsusuring pangwika sa isang pook na malaon ng nakabayubay sa dati nitong alam. Subalit sa pamamagitan ng papel na ito ay sisikapin ng may-akda na paghambingin ang lumang pananaw at ang bagong pagpapakahulugan sa mga ngalang-pook ng Cavite (placenames) batay sa mga batis na nasulat na nang panahong lumipas. Bagamat ang pagtatangkang ito ay isang pangahas na simulain, umaasa ang mananaliksik na mananaig ang bukas na isipan at malayang pag-unawa ng mga mambabasa. 

Ginamit ang antigo bilang pamalit sa salitang sinauna upang higit na mabigyang-diin ang paksa ang pananaliksik na ito. Maraming mga lugar sa lalawigan ng Cavite ang masasabing nagtataglay ng antigong pangalan na binigyan lamang ng makabagong kahulugan sa nakalipas na isandaang taon. Mahalagang maunawaan ng mga mambabasa lalo na ng mga bagong-sibol ang sinaunang kahulugan ng mga ngalang-pook nang sa gayon ay hindi sila maging mangmang sa kasaysayan ng kanilang pook. Sa makatuwid, maitataguyod nito ang pakikisangkot at pakikilamas sa pambansang pagkakakilanlan. Kung hindi ito maisasagawa sa kasalukuyang panahon, ang mga bagong namumukadkad na mga palaisip, palaaral at pantas ay hindi makararating sa tugatog ng pagkabansa at sa halip ay malulunod sa rurok ng pandaigdigang asimilasyon at pagkamatay ng mga pagkakakilanlang-bayan na taliwas sa simulain ng maraming relihiyon sa daigdig. Hindi dapat ipagsawalang-bahala ang ganitong usapin sapagkat magdudulot ito ng ibayong kaapihan sa mga maliliit habang ang mga makapangyarihan ay lalong nagiging malakas. Dapat ring tandaan na ang lahing-tao (human race) ay nakasalig sa kanyang pagkakakilanlang-bayan habang ang kanyang pagkakakilanlang-bayan ay hinuhugot naman sa kanyang pagkakakilanlang-tao. Kung marupok ang pundasyong ito ng kanyang pagiging tao, siya’y nagiging tila-langay-langayan na nagpapatangay sa bugso ng hangin sa panahon ng pagdadag-im at hinahayaan ang sariling katawan na mabasa ng ulan ng pagkaduhagi. Hindi nito sinasagisag ang lakas ng isang matalinong agila na handang pumailanlang sa papawirin upang ipahayag ang kanyang kapangyarihan.

Nasyonalismo vs. Rehiyonalismo

Maaring ipagpalagay ng ilan na ang papel na ito ay isang pagkiling sa kaisipang rehiyonalismo sa halip na bigyang-puwang ang mga adhikain ng nasyonalismo. Mapanganib ang rehiyonalismo sa pambansang pagkakabuklod sapagkat sinasagkaan nito ang pagkakakilanlang-bayan. Subalit hindi gayon ang dapat na isipin sa papel na ito. Maaring ipagpalagay na ang mga ngalang-banggit (mentioned names) ay bahagi ng lokal na kaalaman at mainam na kadluaan ng pambansang karunungan. Ang rehiyonalismo ay dapat na maging anak ng nasyonalismo na siyang uugit sa karunungang-bayan (national wisdom). Mahina ito sa bansang may matayog na pagtingin sa rehiyonalismo at mababang pagpapahalaga sa kanilang nasyonalismo. Ang karunungang-bayan ay isang pambansang corpus ng mga kaalaman na walang alinlangang naibabahagi ng isang tao sa harapan ng iba pang mga lahi at bansa. Malakas ang karunungang-bayan sa mga bansang Kanluranin sapagkat nakasalig ito sa kanilang mahaba at masalimoot na kasaysayang-bayan. Sa ating bansa, ang karunungang-bayan ay nasa estado pa lamang ng paglilimlim at maaring sabihing nanganganib pang maging bugok bunsod ng mababang pagpapahalaga sa pagkakakilanlang-bayan.

Ngunit ano ba ang ibig sabihin ng nasyonalismo at rehiyonalismo? Ayon sa www.wikipedia.com, ang rehiyonalismo ay isang kaisipang pulitikal na nakatutok sa interest ng isang rehiyon at managing ipagpalagay na ang isang rehiyon, anuman ang katayuan nito ay magkaroon ng malawak impluho sa iba pa at ng malawak ring kapangyarihang pulitkal. Naniniwala ang marami na sa pamamagitan ng rehiyonalismo ay mabibigyang puwang ang desentralisasyon, makatipid sa guguling mula sa buwis ng mga mamamayan, maisulong ang tamang paggamit ng mga pinagkukunang-yaman ng rehiyon para sa higit na kapakinabangan ng mga tagaroon at mapalawig ang mabisang pagsasakatuparan ng mga lokal na balakin o plano. Marami sa mga rehiyonalista ang pumapabor sa kompederasiya at pederasyon sa halip na pang-isahang estado (unitary state). Inaayawan din nila ang unibersalismo bilang isang kaisipang pambansa.

Ayon kay Anthony D. Smith (1993), ang nasyonalismo ay isang ideyolohiyang pulitikal na maaring magpakilala sa isang pangkat ng tao na may pagkakakilanlang pulitikal na ipinapahayag ayon sa mga batayang pambansa gaya ng bansa. Ayon pa sa kanya, ang nasyonalismo ang siyang gumagawa ng pambansang-pagkakakilanlan. Samantala, iba naman ang palagay dito ni Will Kymlicka (1995) na nagsabing ang nasyonalismo ay pagpapalagay na higit na mahalaga ang estado o kaya naman ay pagpapalagay na ang isang estado ay higit na makapangyarihan kaysa iba pang mga estado. Tinitingnan niya ito sa ibang palagay na ang nasyonalismo ay isang kilusang naglalayong pangalagaan ang sinilangang-lupa (homeland) ayon kina Thomas Blank at Peter Schmid (2003) o kaya naman ay maaring magbunsod sa isang kaisipang maaring hindi umiiral ang isang estado at hindi katawanin ng wika, relihiyon o lahi na may balangkas ng lipunan na kumakatawan sa isang bansa ayon kay Benedict Anderson (1991) sa kanyang “imahinasyong pamayanan”.

Anuman ang ating pagtingin sa nasyonalismo, mahalagang maunawaan natin ito bilang isang inimbentong tradisyon ayon kay H. G. Habsbowm na maaring mapanggatong (reactionary) upang hikayatin ang isang pangkat na balikan ang nakalipas na maaring pagpapalayas ng mga dayuhan sa isang teritoryo o kaya naman ay mapanghimagsik (revolutionary) na ang layunin ay magtatag ng isang malayang estado bilang panahanan o sinilangang-lupa ng isang maliit na pangkat gaya ng karanasan ng Filipinas mula sa Espanya at mga Amerikano gayundin ng Finland mula sa Sweden. Ang nasyonalismo ay nagpapahayag ng sama-samang pagkakakilanlang-bayan (collective identities) ayon kina John Hutchinson at Anthony D. Smith (1994).  

Ang mga paglilinaw sa itaas ay upang mabigyang-linaw ang kaibhan at ang panganib na dulot ng malabis na pagkiling sa rehiyonalismo o kaya naman ay nasyonalismo ng walang matatag na pundasyong-bayan (national foundations). Mahalaga ito sa pagsusuring ito sapagkat itatawid nito buhat sa madilim na pang-unawa ang bagong pang-unawa tungo sa kaliwanagan.

Demonym at Toponymy

Ang demonym ay tumutukoy sa mga taong naninirahan sa isang lugar. Ang mga taga-Cavite ay tinatawag na Caviteno samantalang ang mga naninirahan sa Imus ay mga Imuseno. Ang salitang ito ay galing sa dalawang salitang Griego, demos – naninirahan, at –onym – ngalan o tag-uri. Ang unang naitalang paggamit nito ay noong 1997 na ikinakapit ng National Geographic Magazine sa editor na si Paul Dickson sa kanyang aklat na Labels for Locals na sinasabing hiniram niya kay George H. Scheetz sa kanyang aklat na What do you Call a Person from …? A Dictionary of Resident Names na una namang lumitaw sa aklat rin niyang may pamagat na Names’ Names: A Descriptive and Prescriptive Onymicon. Maaring ito ay ibinatay din sa salitang demonymic ng Oxford English Dictionary na katawagan sa mga mamamayang Athenian ayon sa deme na kanyang kinabibilangan at unang ginamit noong 1893. Ang deme o demos ay tumutukoy sa isang subdibisyon ng Attica, ang rehiyong pumapalibot sa Athens sa panahon ng sinaunang Gresya.

Ang toponymy naman ay ang pag-aaral ng pinagmulan ng pangalan ng isang lugar, kahulugan, gamit at pagpapangkat. Galing ito sa salitang Greigo na topos, lugar at onoma, ngalan. Kaiba sa etymology, ang isang toponymist ay nagsasagawa ng isang maagham na pag-aaral ng pinagmulan ng isang lugar o ngalang-pook. Bilang isang pag-aaral, ito ay sangay ng onomastics, ang pag-aaral ng angkop na katawagagan at pinagmulan ng lahat ng bagay. Tinatawag din itong toponomastics. Ayon sa Oxford English Dictionary, ito ay unang lumitaw sa English noong 1876.  Ang tawag sa isang taong nag-aaral tungkol sa pinagmulan ng mga ngalang-pook ay isang toponymist.

Ang pag-aaral naman tungkol sa mga personal na pangalan ng tao ay anthroponymy o anthroponomastics.

Ang Pagpapangalan ng Isang Lugar ng mga Pilipino

Bahagi ng kulturang Pilipino ang pagbibigay ng pangalan sa isang lugar gaya ng iba pang mga bansa sa daigdig. Bagamat maraming mga samutsaring kwento tungkol sa pagpapangalan ng mga lugar sa bansa, mahalgang suriin ang mga pangalang ito ukol sa kakanyahang pangwika.
Kung papansinin pa, ang mga sinaunang Pilipino ay nagpapangalan ng isang lugar alinman sa mga sumusunod:

  1. hugis ng lugar (Imus, Kawit)
  2. pangyayari sa lugar (Tanza, Pinaglabanan)
  3. lugar na kinaroroonan o pinanggagalingan (paggamit ng Ibaba at Ilaya)
  4. katangiang pisikal (Tagaytay)
  5. paglalarawan at pag-uuri sa isang lugar (Maragondon, Silang)
  6. mga bagay na matatagpuan sa kapaligiran (hayop, halaman at mga ibon) gaya ng Indang, Pasong Santol, Mabolo, Talaba, Mambog, atbp.

Sa mga lugar na matagal na nasakop ng mga Espanyol at mga Amerikano, kalimitang ang pangalan ay tunog at baybay banyaga na subalit maikakabit pa rin sa kulturang mayroon sa pamayanan.


MGA PILING NGALANG-POOK SA LALAWIGAN NG CAVITE

ALAPAN

Nang masakop ng mga Kastila ang Maynila, ginalugad din nila ang mga kanugnog na mga lugar kasama na ang Cavite. Ang Cavite ay nanggaling sa salitang ‘kawit’ dahil sa anyo nitong pakurba na tila isang kawit, isang uri ng kagamitan sa pagsasaka na ginagamit sa paglilinis ng bukid (isang piraso ng kahoy na sadyang pinutol sa isang bahaging may sangang nakakawit), pagkuha ng bunga ng niyog (isang nakakalawit na piraso ng bakal na nakatali sa dulo ng isang mahabang kawayan), at marami pang paglalarawan at kagamitan. Ang Cavite la Punta (Cavite City) ang nagsisilbing daungan ng mga kasko at baroto na naghahatid ng mga kalakal ng mga katutubong Tagal na naninirahan sa Cavite. Sa Cavite el Viejo naman matatagpuan ang isang pamayanan ng mga Tagal kung saan ang lupain ng Imus ay isang nayon lamang nito noong mga huling yugto ng 1500 hanggang sa pagpasok ng 1600 kung saan unti-unting lumago ang Imus bilang isang bagong panahanan.

Buhat sa Cavite el Viejo, ang mga Kastila ay dadaan sa bahagi ng Gahak na isang latian o swamp. Mahirap ang daloy ng transportasyon sa lupa kapag sa Gahak daraan dahil sa mga latiang ito kung kaya’t ipinasya ng pamahalaang Kastila na tambakan ng lupa ang mga latian upang mapadali ang pagtungo sa kaloob-looban ng Cavite. Ang lugar ay nakilala bilang Tinabunan (ngayon ay kilala sa tawag na Pag-asa) sapagkat ang lugar ay dating latian na tinambakan upang maging tuyong lupa. Ang pagkakatambak na ito ang naging dahilan kung bakit unti-unting lumago ang pamayanan doon.

Pagkatapos ng Tinabunan, ang lugar ng Alapan ang unang pamayanang sasapitin galing sa Cavite el Viejo. Ang lugar ay hindi pa kilala sa gayong pangalan noong panahong iyon.  Ayon sa mga kwento-kwento, ang Alapan ay nangangahulugang ‘hanapan ng kasangkapan’ sa pagbubukid. May mga nagsasabi ring ito ay galing sa salitang ‘kalapan’ o hanapan ng materyales sapagkat ang lugar ay dating malawak na gubat.

Si G. Aurelio P. Bautista, isang makatang taga-Imus ay may dalawang pakahulugan dito. Una, ang Alapan ay maari umanong galing sa matandang salitang Tagalog na ‘alap’ na ibig sabihin ay lugar na payapa at tahimik at ang salitang ‘alapan’ ay halos kahawig rin ng salitang ‘katahimikan’. Alalaong-baga, ang Alapan ay salitang ‘alap’ na nilapian upang maging isang bagong salita. Ikalawa, naniniwala siya na dahil sa Tinabunan, ang unang pamayanang mabubungaran ay tinatawag na ‘harapan’. Sa matandang wika ng mga Tagal, walang letrang ‘r’ kung kaya ang ‘r’ ay pinapalitan ng ‘l’ o kaya naman ay ‘d’. Sa makatuwid, ang salitang ‘harapan’ ay maaring bigkasin bilang ‘halapan’. Ngunit bakit naging Alapan? Ayon sa paliwanag ni G. Bautista, ang ‘h’ sa unahan ng salita ay hindi binabasa sa wikang Espanyol gaya ng ‘hijo’, ‘hija’ at ‘hablar’. Kung kaya, ang ‘harapan’ ay magiging ‘alapan’ kapag binigkas ng isang Kastila.

Upang matiyak ang paniniwalang ito, mahalagang magkaroon ng mga batis na magpapatunay sa angking pakahulugan ni G. Bautista. Kailangang ang salitang ‘alap’ ay matagpuan sa mga sinaunang dokumentong Tagalog. Sa Vocabulario dela Lengua Tagala na isinulat nina Pedro San Lucar at Juan Jose de Noceda noong 1860, may dalawang salitang-pasok na ALAP. Ganito ang eksaktong pagkakasulat ng mga salita:


                                                                                                                               
Batay sa mga salitang pasok, ang salitang ‘alap’ ay tumutukoy sa isang malawak na pastulan o damuhan kung kaya ang salitang Alapan ay tumutukoy sa isang madamong lugar. Ang ikalawang kahulugan ng alap ay ‘lakad’ o ‘pakay’. Maari rin itong maging kahulugan ng bukana o bungad na daanan. Sa makatuwid, maaring tanggapin ang paliwanag ni G. Aurelio tungkol sa pinagmulan ng salitang Alapan sapagkat sinusuhayan ito ng dalawang salitang Tagalog na may parehong kahulugan.

Sa Vocabulario dela Lengua Tagala ni Padre Pedro de San Buenaventura na nalimbag sa Pila, Laguna noong 1613, lumitaw ng tatlong beses ang salitang ALAP (pahina 531, 533, at 599). Ganito ang mga salitang pasok para sa ALAP.

Vez : Alap pc : T. quele viene a uno, nagaalapan. R. andar aveçes, naaalap .8. venille la vez, imp : umalap ca, acude a tu vez, magalapang camo, andad aveçes, alap co, es mi vez. (Oras: Alap pc: T. pagdating sa isang quele, nagaalapan. R. minsan lumakad, naaalap .8.venille oras, malikot na bata: umalap ca, pumunta sa iyong oras, magalapang camo, minsan maglakad, kapwa ang alap ay ang aking time.)

Reuenirse : Alap pp : el algodon en açeyte, naaalapan .8. P. en cojerse o reuenirse, ynaalapan nang lana, reuinose con el açeyte, naaalapan ang sinolir, esta reuenido el algodon. (Reuenirse: Alap pp: koton sa açeyte, naaalapan .8. P. sa cojerse o reuenirse, ng Nang ynaalapan lana reuinose sa langis, ang naaalapan sinolir reuenido koton na ito.)

Rogar : Alap pp : el yerua para cubtirlas casas, vngmaalap .1.ac. l. ynaalap .1.P. imp : vmalap camo nang cogong ybobobong, rocad ye rua para cubrir.Vi.Abm.

Anabu

Nasusulat: Noong dakong una umano, isang binatang Tsino ang nagkagusto sa isang magandang dalagang tagaroon sa lugar na iyon. Ngunit hindi siya ang itinitibok ng dalaga kung kaya’t siya’y nagtanan kasama ang lalaking tunay niyang iniibig. Dahil sa pagkasiphayo, tila nasiraan ng bait ang binatang Tsino at patakbo-takbo sa buong nayon na isinisigaw ang ‘Ana bu! Ana bu!’ na ang ibig sabihin umano ay ‘wala na si Ana’. Dito umano isinunod ang pangalan ng nasabing lugar.

Pagsusuring Pangwika: Batay sa mga nasusulat na tala, ang salitang anabu o anabo ay pangalan ng isang uri ng punongkahoy na kinukuhanan ng hibla upang gawing panali. Ang balat nito ay hawig ng balat ng aratiles. Sa Mulanay, tinatawag din itong danli at labayo na may dalawang uri – anabong pula at anabong puti. Ang anabong pula ay hawig ng balat ng aratiles. Ang salitang anabo ay natagpuan na at palasak na ginagamit ng mga taga-Cavite noon pa mang 1800 at kilala ang halamang ito bilang kuhanan ng gamot at hibla para sa tali.

Malagasang

Nasusulat: Kilala ang mga taga-Malagasang bilang mga matatapang na mga Imuseno. Dahil dito, kilala ang lugar nila bilang di-malagasan dahil walang namamatay na mga tagaroon kapag nagkakaroon sila ng mga kaalitan.

Pagsusuring Pangwika: Mahalagang tingnan ang salita sa kahulugan nito. Dalawa ang maaring pagkunan ng kahulugan nito. Ang una ay dalawang salitang Tagalog – unlaping mala- o hawig at gasang – isang uri ng bato na nalikha mula sa mga bula ng alon sa dagat; tinatawag ding bulaklak ng bato o korales. Ang ikalawa naman ay salitang Tagalog rin na tumutukoy sa katangian ng lupa. Ang malagasang na lupa ay ang lupang buhaghag na angkop para sa pagsasaka at pagtatanim ng mga halaman. Sagana ang lupang ito sa mga kinakailangang sangkap ng halaman upang lumago. Karaniwang matatagpuan ang buhaghag na lupang ito sa mga balisbis ng bundok at sa mga pangpang ng ilog. Kung susuriing mabuti, ang Malagasang ay malapit sa dalawang ilog – ang Ilog ng Julian at ang Ilog ng Alang-Ilang. Mapapansin na ang malaking bahagi ng barangay ay sakahan at may buhaghag na lupa. Ang malaking bahagi ng populasyon ng Malagasang ay mga Tagalog din simula pa noong unang-una at maaaring sila ang nagbigay ng pangalang ito bagamat kailangan pa ang masusing pag-aaral dito.

Mahalaga ring suriin ang pahayag ni Aurelio P. Baustia tungkol sa pinagmulan ng salitang Malagasang. Ayon sa kanya, maiuugnay ang pangalang Malagasang sa anyo ng daan na bumabagtas sa lupain ng nayong ito - malawak sa simula papakipot sa dulo - gaya rin ng Bucandala na kawangis ng nakabukang dala - isang panghuli ng isda sa ilog. Sa sinaunang Tagalog, ang sibat ay tinatawag na gasang na kahawig din ng salitang gayang sa Ilokano na gayundin ang kahulugan. Sa makatuwid, ang Malagasang ay galing sa salitang gasang na nilapian ng mala- na ang ibig sabihin ay kahawig, kawangis o animo kaya ang Malagasang ay nangangahulugang landas na kawangis ng gasang o sibat.

Sa sinaunang panahon, ang pagpapangalan ng lugar ay batay sa anyo ng lugar, mga katangiang pisikal, mga hayop at halamang matatagpuan doon, mga kakaibang pangyayari o di kaya'y mga hindi makakakalimutang tagpo. Bagamat hindi malilimutan ang katapangan ng mga taga-Malagasang, sa pagsusuring pangwika ay mahirap na sabihing sa paglaon ng panahon ay tinanggal ang di sa di-malagasan sapagkat hindi iyon likas sa sinaunang pagpapangalan ng mga lugar.

 Toclong

Nasusulat: Ang pangalan ng barangay ay nagsimula umano sa tunog ng kampana na To Clong! At sa kalaunan ay siyang itinawag sa nasabing lugar.

Pagsusuring Pangwika: Sa ilang bahagi ng CALABARZON particular sa Quezon, ang toklong ay tumutukoy sa isang liwasan malapit sa harap ng simbahan o kapilya. Tinatawag ding toklong ang lugar kung saan isinasagawa ang mga mahahalagang pagtitipon ng kumunidad. Maaring isipin na ang narinig na tunog ng kampana ay hindi ang tiyak na pinanggalingan ng pangalan ng barangay kundi sa halip ay ang kinaroroonan nito na malapit sa bagong tayong simbahan ng Imus. Kung susuriin ang layo ng mga lugar sa Cavite na may pangalang Toclong, mapapansin na ito ay malapit sa isang bahay-sambahan o kapilya o di kaya naman ay isang lugar kung saan umusbong ang pamayanan at mga karatig nito. Ayon kay Aurelio P. Bautista, isang makatang taga-Imus, sa kanyang pamamalagi sa Visayas ng matagal na panahon ay nabatid niyang ang tinatawag na toklong ng mga tao ay isang maliit na simbahan o kapilya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento