Isalin

Sabado, Hunyo 16, 2012


Kultural na Talatinigang Caballero


Antala pang. – isang uri ng kakaning gawa sa bigas na malagkit na iniluto sa gata ng niyog na nilagyan ng asin at asukal bilang pampalasa

Binugkong pang. – isang uri ng kakaning gawa sa bigas na malagkit na iniluto sa gata ng niyog. Ang kaibhan nito sa suman ay sapagkat ang bigas at gata ng niyog ay magkasamang inilagay sa nakabungkos na pinagpatong-patong na dahon ng saging at saka pinakuluan sa apoy hanggang sa ito’y maluto. Popular ang kakaning ito sa mga Bikolano.

Kukumo pang – isang uri ng alimango na may matutulis na biluhabang balugbog. (Nasugbu, Batangas)

Kulukoy pang – isang uri ng alimango na kalimitang payat at mahahaba ang galamay na nagkukulay-kape hanggang sa mamula-mula. Madalas matagpuan ang mga kulukoy na nagbubutas sa buhanginan sa aplaya. (Nasugbu, Batangas)

Hagibis – matuling tumakbo. Hal. Hagibis na ang kabayo; daig pa ang ipo-ipo.

Lampa pang – isang uri ng ilawang de-gaas na ginagamit na tanglaw sa gabi o panahon ng padasal, pangngingilaw at iba pang mga pagkakataon na kailangan ng mas maraming liwanag. (Imus, Cavite) kolman o pang-ilaw (Mulanay, Quezon at mga karatigan)

Lingkaw pang – isang uri ng kagamitan sa pag-aani na kawangis ng gapas o karet na karaniwang ginagamit ng mga kalalakihan kapag panahon ng tag-ani. (Imus, Cavite)


Mandala pang – bunton ng mga dayami sa gitna ng bukid na hugis burol.(Imus, Cavite)

Nagbibisalog pd – naglalaro ng tubi na maaring nasa timba, palanggana o anumang lalagyan at pinanggagalingan.Hal. Bihisan mo na si Pepe dahil nagbibisalog na lang sa banyo.(Imus, Cavite); naglalandi ng tubig (Mulanay, Quezon at mga karatigan)

Natipuan pd – 1 nabungian, normal na pagkabunot o pagkalagas ng ngipin. Hal. Natipuan si Ana matapos siyang kumain ng saging kaninang umaga. 2 natipuhan, nagustuhan, naibigan. 3 isang nayon sa bayan ng Nasugbu, Batangas na nakaharap sa Kanlurang Karagatan ng Pilipinas.

Panggasi pang – isang uri ng inuming gawa sa nilagang luya na nilagyan ng asukal (maaring moscovado o asukal na pula); salabat. (Imus, Cavite)

Pakawil pang – isang pamamaraan ng panghuhuli ng banagan, isda at iba pang lamang-dagat. (Nasugbu, Batangas)

Pitos pang – isang uri ng banagan o ulang na higit na maliit at maikli kumpara sa ibang mga kapamilya nito.(Nasugbu, Batangas)

Pideyus pang. – isang uri ng lutuin sa Alapan, Imus, Cavite na ang lahok ay sotanghon, hinimay na karne ng manok, bawang, luya, at atswete na kalimitang inihahanda tuwing bagong taon at kung may lamay para sa patay.

Salmonera pang – ang tawag ng mga taga-Imus sa mother liquor ng kesong puti na binubuo ng tubig, suka at kaunting asin kung saan iniluluto ang kasilyo.

Salog pang – isang mababang lugar na tinitiningan ng tubig (Imus, Cavite); san-og (Mulanay, Quezon)

Sambakol pu ­ - nakasimangot ang mukha; hindi maipinta.

Sandamakmak – isang langkay, buo, bunton o pangkat. Hal. Sandamakmak ang nakatambak na basura sa gilid ng kalsada.

Sandamukal – masidhing paglalarawan sa isang bagay na may kaugnayan sa dami o bilang; napakarami, sobra-sobra, napaka-. Hal. Sandamukal ang kalat sa loob ng silid nang dumating ang may-ari ng bahay. 2 paglalarawan sa mukha ng isang tao. Hal. Sandamukal na naman ang mukha ng ale nang lumabas sa kanilang bahay.

Subo – 1 [suBO] pagtikim ng pagkain gamit ang kamay, kutsara o anumang kagamitan sa pagkain. Hal. Subo muna kayo kahit kaunti lamang. 2 [suboH] singaw o pagpapasingaw sa pamamagitan ng pagpapakulo ng tubig sa isang kawa, kawali, kaldero o anumang maaring paglagayan ng tubig at isalang sa apoy. Hal. Subo na ang tubig sa kaldero, ihulog mo na ang mga gulay.3 [suBO] napapasok sa isang usapan o kasunduan na mahirap tanggihan o ipagpaliban; pagkadamay sa isang usapin o kasunduan. Hal. Subo na naman tayo sa nangyaring kapalpakan nilang dalawa.

Tikangkang pd - nabuwal, napatihaya. Hal. Ako’y awang-awa sa buntis na napatikangkang sa gilid ng kalsada; tikangkang ang tawag pag nabuwal ng patihaya.

Ulang pang – banagan. (Eng. Lobster)

Yatab pang – isang uri ng kagamitang ginagamit sa pag-aani ng mga uhay ng palay na karaniwang yari sa isang piraso ng kahoy na 4 hanggang 5 pulgada ang haba at kapirasong matalim na metal na iniayon sa hugis ng krus; kagamitan sa pag-gapas ng palay na karaniwang ginagamit ng mga kababaihang umaani ng palay. (Imus, Cavite)

Perok-perok pang isang lampara de gaas na gawa sa bote at nilagyan ng mitsa. Bunsol ang tawag dito sa Mulanay at mga karatig-lugar nito.

Lampa pang  isang malaking lampara o ilawang de gaas na may mitsa o gasa. Kolman o hasag.

Mohon pang pananda; isang batong nagsisilbing pananda sa hangganan ng isang lupa. Nagsisilbing pananda sa lendero ng lupa.

Kabihog pang nangangahulugang kaibigan sa mga pangkat ng Agta na nasa mga bulubunduking bahagi ng Bondoc Peninsula particular na sa bahagi ng Catanauan at Mulanay sa Quezon.

Katabaga pang wika ng mga Katabagan na matatagpuan sa Bondoc Peninsula; isa sa mga nanganganib na wika ng Pililipinas.

Kampit – 1. Tawag sa pang-ani ng palay na hugis krus; isang matalim na bakal na ikinabit ng pabalagbag sa isang kasagarang laki ng bilog na kahoy upang makalikha ng kagamitang pang-ani ng palay. 2. Isang maliit na kutsilyo.

Tangal pang  isang uri ng bakawan na ginagamit na pangkulay sa tuba. Ang matutuwid na tangal ay ginagamit na bakod o di kaya ay kagamitan sa pang-itaas o bubong ng bahay-kubo na siyang pinagkakabitan ng balakilan o pamakuan.

Dual – 1. hugpong, tagpuan, dugtungan 2. Suka; sapilitang paglalabas ng kinain sa pamamagitan ng bibig.

Dukal – pagbungkal ng matigas na lupa gamit ang isang metal na panghukay; mababaw na paghuhukay na hindi lalagpas ng limang pulgada.

Bungkal – 1. Nahukay (ang mga pananim) mula sa kinalalagyan nito. Hal. Bungkal ang mga tanim niyang gabi kaya galit na galit kanina. 2. Paghuhukay ng buhaghag na lupa o paghuhukay upang maging buhaghag ang lupa. Hal. Bungkalin mo ang paligid ng halaman para lumaki agad; bayubo; pagbabayubo. 3. Pag-aararo ng lupang sakahan upang mapagtamnan.

Hibon – pagtatabon ng isinabog na palay o anumang binhi sa bukid upang hindi kainin ng mga ibon ang nakasabog na butil.

Tibag – 1. pag-aararo o pagbubungkal ng lupa sa isang bagong napiling sasakahin. Maga-tibag ako sa kabilang linang para sa sunod na taniman. 2. Gumuhong bahagi ng bundok o mataas na bahagi ng lupa; anumang gumuhong mula sa mataas na bahagi. Hal. Tibag na ang pader ng bahay nila pagdating niya galing sa linang. 3. Pagbabaklas ng sementadong dingding. Hal. Tibagin na natin ang pader para makalabas ang naipong tubig sa looban.

Looban – 1. isang lugar na kinaroroonan ng sentro ng panahanan.Hal. Sa looban ng BLISS nakaburol ang lola nya. 2. Isang compound. Hal. Nasa looban nila ang magnanakaw kaya pihadong huli na siya.

Labasan – 1. Isang lugar kung saan dumadaan ang lahat papasok at papalabas ng isang pamayanan o panirahan. Hal. Ang bahay nila ay nasa may labasan papuntang linang. 2. Daanan palabas. Dito ang labasan ng dumi galing sa mga kabahayan sa ilaya. 3. Maglabas o magpakita. Hal. Huwag mong labasan ng balisong ang makakasalubong mo; baka pagkatuwaan ka din nila. 4. Maglabas (ng likido). Hal. Hindi pa siya nilalabasan ng pawis.

Saknong – 1. Hanay; isang imahinasyong linya na sinusundan ng mga mag-aani ng palay gayundin sa mga naghihibon sa panahon ng pag-hahasik. 2. Isang talata ng tula na karaniwang may apat na linya at may sukat na maaring wawaluhin; lalabindalawahin at lalabin-animin.

Digla – saknong na nakapaloob sa mga tudling; ang pagitan ng mga tudling ay maaring dalawa hanggang limang dipa ang luwang.

Palangka – isang uri ng kagamitan sa pagsakay sa kabayo.

Pakang – siya o palangka; ginagamit sa kabayo o kalabaw na karaniwang pinagsasabitan ng mga sako, bakid o tiklis.

Siya – palangka o pakang sa kalabaw o kabayo.

Bakid – isang uri ng sisidlang yari sa uway o kawayan; tiklis.

Bangkil – isang uri ng tiklis.

Pamuntot – sinturong inilalagay sa buntot ng kalabaw upang hindi mahulog ang nakasakay kapag palusong ang daan.

Panleeg – sinturong inilalagay sa leeg ng kalabaw upang hindi mahulog ang nakasakay sa kalabaw kapag paahon ang daan.

Pantiyan – isang sinturong yari sa tela at sako na karaniwang dalawang pulgada ang lapad na isinusuot sa tiyan ng kalabaw upang manatiling balanse ang panapin sa balugbog ng kalabaw na siya namang inuupuan ng sumasakay dito.

Panapin – 1. Isang piraso ng sako na ginagamit na sapin sa balugbog ng kalabaw upang masakayan ito. 2. Anumang manipis na materyal na inilalagay sa ilalim bago patungan ng isa pang bagay.

Paud – isang uri ng kagamitang yari sa kahoy na inilalagay sa batok ng kalabaw karugtong ng panleeg para mahila ng hayop ang kanga, paragos o kaya naman ay araro.

Arado – araro; isang uri ng kagamitan para sa pagbubungkal ng lupang taniman.

Taniman – 1. Tumutukoy sa panahon ng pagtatanim. 2. Lugar na pinagtataniman ng mga halaman; bukid o linang. 3. Magtanim o pagtatanim ng halaman.

Buyanyanin – butitihin, malaki ang tiyan, chubby; karaniwang ikinakapit sa baboy.

Hagimo – kalapin ng mga daliri ng kamay gaya ng paggamas ng mga damo, paggapas ng palay o pagpulot ng mga kalat.

Yapas – isang paraan ng paglilinis ng mga damo sa bukid. yapasin. tabasin [ang damo].

Binsido – kabahagi; tubo, kinita. Hal. Naka-binsido naman ako ng dalawang daan sa pinagbentahan ng baboy.

Sulambi – dugtong sa gilid ng bahay; extension

Sulyaw – mangkok, sisidlan ng ulam.

Nuto – tuyo na ang dahon; pagkatuyo ng dahon ng uraro, gabi, ube o kahit na anong halaman.

Garote – palo. Hal. Nagarote niya ang anak dahil sa katigasan ng ulo.

Anya – aniya; isang ekspresyon.

Kangga – paragos na lubid ang ginagamit na gabay na panghila gaya ng araro.

Paragos – isang uri ng sasakyan na ang gabay na panghila ay yari sa magsinghabang kahoy.
Mura – buko; ang batang bunga ng niyog na kinakain bilang panghimagas o panglunas sa mga may suliranin sa pag-ihi.

Buko – 1. Maliit na bunga (ng niyog o kahit na anong prutas) 2. Maliit o bubot na bulaklak. 3. Mga siko o dugtungan nga kawayan; bukuhan maraming buko.

Korneyo – isang uri ng hayop na kahawig ng usa; reindeer.

Pikot – nalansi para sapilitang magpakasal sa isang babae.

Peluka – huwad na buhok; wig.

Bagaku – isang uri ng sisidlan na gawa sa hinabing dahon ng buli (o buri).

Igba – isang uri ng seremonya o erehiya sa pagtatanim ng kamote, ube o anumang lamang-ugat. Sa sermonyang ito, naniniwala ang mga taga-Mulanay at mga karatig-pook na ang katangian ng isang bagay ay naililipat sa itatanim. Halimbawa, upang maging marami ang laman ng kamote, ginagamit na pang-igba ang mga tumpok-tumpok na suso sa dagat; upang hindi ito tangain o bukbukin, ginagamit naman ang batong-buhay.

Sala – 1. Mahilig umihi sa banig o nag-iihi kapag tulog. 2. Mali. 3. /Salah/ maling gawa, kasalanan.

Libat – pagbalik ng bali o pilay

Sikmat – biglang pagsakit sa bahagi ng dibdib; chest pain

Paleta – 1. Isang piraso ng kahoy na nakakabit sa dulo ng araro na pinagkakabitan naman ng lubid na siyang hinihila ng kalabaw. 2. Malalambot na kahoy na ginagamit sa pagawaan bilang patungan ng mga kargamento para sa paglilipat nito mula sa isang lugar o pagsasakay sa isang sasakyan.

Lote – isang parsela ng lupa.

Arya – sigehan, pasyahan

Buga – 1. Isang uri ng malambot na bato na nalikha buhat sa tumigas na bula ng alon sa dagat. 2. Ibuyo sa isang gawain. 3. /bugah/ pagngunguya ng bigas, luya o dahon ng sambong upang itapal sa nabalis o may baklay. 4. May pwersang paglabas ng tubig mula sa bibig ng isang tao. Hal. Ibuga mo ang ininom mong tubig. 5. Isang uri ng paputok na yari sa tubong PVC na nilalagyan ng denatured alcohol na sinisindihan para pumutok.

Loob – 1. Salakay, pandarambong, pagnanakaw. Hal. Nilooban ng mga magnanakaw ang bahay nila kagabi.  2. Pagsalakay ng mga hayop sa taniman. 3. Loob ng bahay. Hal. Nasa loob ng bahay ang mga gamit niya. 4. Kalooban, niloloob; damdamin. Hal. Hindi ko pa nakukuha ang kanyang loob.

Luom – kulob na amoy; masamang amoy dahil sa pagkakulob. Hal. Mabaho ang bag nay an; amoy luom.

Kulob – walang hangin, walang butas para daanan ng hangin. Hal. Kulob na kulob ang kwarto niya kaya napakainit.

Kuom – nakakimkim (ang palad). Hal. Kuom ang mga palad ng lalaking nakahandusay sa daan.

Kuyom – nakatiklop ang mga kamay; kuom.

Sutsot – 1. Isang paraan ng pagtawag gamit ang bibig. Hal. Sutsutan mo siya para lumingon. 2. Sitsitan, tawagin sa pamamagitan ng pagsitsit. 3. Manunulsol; mahilig mambuyo sa pamamagitan ng mga mapanirang salita para sa isang taong nakikinig upang was akin ang dignidad ng taong pinag-uusapan; sulsul.

Punggok – maikli o bansot
Ulag – libog; isang matinding pagnanasa sa laman o pakikipagtalik.

Ungol – mahinang daing dahil sa sakit na nadarama; maari ring dahil sa sensasyong nadarama

Angil – pagkagalit (ng aso) dahil may nais na ikubli o ipagkaila.

Angas – yabang; kayabangan; pagiging mahangin.

Angat – 1. Mataas kaysa iba. 2. Namumukod-tangi sa iba. 3. Mahusay kaysa iba.

Ikaila – ipagdamot, huwag ipamigay.

Baklay – isang uri ng sakit sa balat na kung saan ay nagsusugat-sugat ang balat; buyo, apog, bunga at ikmo ang ginagamit na pambuga rito.

Amihan – hanging galing sa hilaga.

Amihanin – simulang pag-ihip ng hangin mula sa hilaga.

Amihang-Tayabas – hanging nagmumula sa gawing kanluran ng Mulanay.

Habagat – hanging nagmumula sa timog; habagatanan

Salatan – hanging habagat.

Subasko – biglang paglakas ng hangin na may kasamang ulan galing sa dagat.

Ipo-ipo – hanging umiikot na dumadaan sa lupa; mas mahina kaysa buhawi.

Buhawi – malakas na hanging umiikot na nagmumula sa dagaat.

Silang – hanging nagmumula sa silangan.

Weste – hanging galing sa kanluran; amihang Tayabas

Kaibayo – sa kabilang dagat.

Ibayo – kabilang pampang ng ilog.

Katubigan – malawak na anyong tubig; hydrosphere

Kalupaan – bahaging lupa ng daigdig; lithosphere

Ulanin - /uhlahnin/ maitim at mababang ulap na nagbabadya ng sama ng panahon o malakas na ulan; cumulu-nimbus clouds

Alungahit – maalinsangang panahon; malamlam ang panahon subalit mahapdi sa balat ang sikat ng araw.

Mabanas – maalinsangang panahon; mainit na pakiramdam.

Malilom – maalapaap ang kalangitan;

Nagalilom – may kaugnayan sa paggalaw ng mga ulap sa kalawakan; bahagyang pagtakip ng ulap sa araw.

Ambon – tikatik, paambon-ambon; bahagyang ulan

Ulang-tamad – biglang buhos ng ulan at biglang tigil din na karaniwang tumatagal ng ilang oras lamang.

Ulang masipag – dahan-dahang pagbuhos ng ulan na karaniwang tumatagal ng halos maghapon at magdamag.

Simaron – mailap; mahirap mahuli.

Singod – nguso ng baboy

Tagikaw – isang hikaw na inilalagay sa ilong ng baboy upang hindi makapang-umbang o makapagbungkal ng lupa.

malagaras – malakas na pagnguya ng hayop

mala-gatas – butil ng palay na hindi pa maaring anihin.

Bungkog – alkansiyang yari sa bao ng niyog o biyas ng kawayan; anumang alkansya.

Bangad – isang uri ng kahoy

Bangkod – likod ng itak o kutsilyo

Kampit – pang-ani ng palay.

Gata - /gatah/ pang-ani ng palay, kampit. (Bikol)

Kikit – 1. Pagtikim ng palay upang malaman kung tuyo na. 2. Pagkain ng daga sa mga butil ng palay. 3. Pagkain ng paunti-unti na parang daga.

Karga – 1. Hawak-hawak sa kamay at mga bisig (ang sanggol) 2. Dala-dala; mga dala-dalahan 3. May lamang bala (ang baril) o kaya naman ay ang baterya. 4. Nakakainom o lasing, 5. May sapi o enerhiyang hindi nakikita subalit nararamdaman gaya ng espiritu.

2 komento:

  1. malaking bagay upang mas lumawak ang talasalitaan ng isang tao..lalo't di pamilyar sa ibang mga lenguwahe. Sa pamamagitan neto higit na mauunawaan ang mga salita at gamit neto..
    Ipagpatuloy mo po.. upang marami ka pang mabahaginan at maibahagi..

    TumugonBurahin